I
Ilang taon tayong sinakop ng mga dayuhan,
Ipinalasap ang kultura nilang di natin kailangan,
Sariling wika ay ipinukol, pinalitan, niyurakan,
Ginawa tayong banyaga sa sarili nating bayan.
II
Nagpumilit tayong lumaban makahulagpos sa tali,
Para maibalik ang lupang hindi naman nila ari,
Libo-libo ang nagdusa ganon din ang nasawi,
Makamit lang muli ang puri at kalayaan nitong lipi.
III
Salitang banyaga ay pilit sa ating isinubo,
Pinahirapan, nilito yaring isip pati puso,
Saan ba tayo nito dinala? Iyo na bang napagtanto?,
Sa pagtalikod sa wikang nabahiran ng dugo.
IV
Ilan na bang talento ang di nagamit, naudlot?,
Sinagkaan ng salitang sa atin ay di naman angkop,
Nandiriyan lang sila nagdurusa, nagmumukmok,
Nakatali ang sarili sa mga banyagang udyok.
V
Ilang beses na ba na sa mundo ay ikinahiya?,
Ang iparinig ang lambing nitong sariling wika,
Ilang pagkakataon pa ba ang dadaan sa madla?,
Bago magising ang isip, bago magising ang diwa.
VI
Mababawasan ba o mawawala ang karangalan mo?,
Ang ganda mong ipinababatid diyan sa buong mundo,
Mababawasan ba ang iyong pagka-diplomatiko?,
Kung ang maririnig sa iyo ay ang sariling salita mo.
VII
O kay sarap pakinggan nitong balitaktakan,
Kung ang ginagamit ay ang wika ng bayan,
Me pakialam ang edukado pati na ang mangmang,
Ang mahirap, mahiyain, mayaman o pangkaraniwan.
VIII
Madalas sa pagsasalita ng sariling wika,
Lumalabas ang matalino at makabayang diwa,
Minsan sa pagsasalita ng wikang banyaga,
Lumalabas ang mayabang, ang mangmang, ang timawa.
IX
Di baga maganda na sa sariling wika isinulat,
Sa sariling wika narinig sa sariling wika binigkas,
Magagawa natin iyan matutupad ang pangarap,
Na lubos siyang magamit at maipagmalaki ng ganap.
X
Di natin kasalanan kung di siya lubos na natanim,
Sa ating mga isipan at sa mga araw-araw na gawain,
Pero kailan pa natin siya lubos na payayabungin?,
At nang tuluyang makawala sa banyagang ngipin.
XI
Dahil ang sinumang gumamit ng sariling wika,
Sa harap ng sangkatauhang may kanya-kanyang salita,
Ay maituturing na bayani siya ay may dugong dakila,
Tunay na karangalan nitong ating bansa.
XII
Kung sanay ka sa salita ng ibang lahi,
Sa tamang pagkakataon ay gamitin ng walang pasubali,
Hindi iyong parang santambak na pusa sa pusali,
Na palakasan ng kahol, pataasan ng ihi.
XIII
Bangon na bayan sa iyong pagkadarapa,
Maling yabang ay tanggalin diyan sa iyong mukha,
Ang ipagyabang mo ay ang iyong sariling wika,
Nang hindi mo mahigitan ang malansang isda.
XIV
Unti-unti tayong kumawala sa bisa ng kamandag,
Abutin man ng walang hanggan sa unos man o liwanag,
At sa bawat sariling wikang sa bibig mo ay lumalabas,
Tinutumbasan nito ang dugong sa mga bayani natin ay tumagas.
Editor’s Note: The poem is published in the author’s book Mga Tula ng Maubanin, in recognition of President Manuel Luis Quezon, father of the National Language. In the Philippines, August is hailed as Buwan ng Wikang Pambansa or National Language Month.
— Emmanuel I. Derecho